Kahit alin.
Pero darating yun. Yayayain kita; at dahil alam mong tinadhana, sasama ka. Ito na yung araw na kailangan mo. Pupunta tayo sa kahit saan na walang aircon, walang branded na damit, walang pampadagdag kinang. Tapos ibabalik ko sa iyo ang lahat: dadalhin kita sa paborito kong lugawan–ipapakilala kita sa nagpapakalma sa akin nung mga unang panahong wala pa ako sa sarili kong akala ko’y kilala ko. Walang kyeme. Kakain tayo at mag yoyosi at mag uusap. Mali–magsasalita ka. Makikinig ako. Wala na akong ibang kailangang gawin, dahil alam kong tulad ng dati, matututo na naman ulit ako. Papakinggan lang kita.
Darating yun. Isa sa mga araw ng linggong ito, o ng buwan na ito, o ng taon na ito. O kahit sa mga susunod pa. Pero darating yun. Hindi na ako makapaghintay. Handang handa na ako makinig.









